Pinaiigting ng Police Regional Office 1 (PRO1), sa pamumuno ni PBgen. Lou Evangelista, ang pagsasagawa ng lingguhang simulation exercises bilang tugon sa direktiba ni PNP Chief PGen Nicolas Torre III na makamit ang 5-minutong response time ng kapulisan.

Ang utos ay bunga ng pagkabigo ng walong hepe ng pulisya sa National Capital Region (NCR) na makasunod sa nasabing target, kaya’t sila ay sinibak sa kanilang mga puwesto.

Inaasahan na ang mga hindi pa makakatugon dito ay masisibak at maalis din sa puwesto.

--Ads--

Ayon kay Pltcol. Benigno Sumawang, Chief, Regional Public Information Office-PRO1, agad na ipinatupad ng PRO1 ang direktiba, kahit pa bago pa man ito ibaba ng National Headquarters.

Mayroon na umanong inisyatibo ang Regional Directors na palakasin ang mga simulation exercises.

Regular na binibisita at binabantayan ng PRO1 ang mga munisipyo at probinsya upang matiyak ang pagsunod sa utos.

Ginagamit din nila ang database ng Regional Office para sa monitoring, at nagbahagai na sila ng mga hand-free radio sa ilang himpilan para sa mas mabilis na komunikasyon.

Bukod sa mga simulation exercises, ipinatupad din ng PRO1 ang Ebuzzer application, na tumutulong sa publiko na mahanap ang pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Pinag-iigihan din nila ang police presence, kung saan halos 90% ng mga pulis sa rehiyon ay nasa mga strategic locations para sa mabilisang pagresponde.

Kinikilala naman ng PRO1 ang mga hamon sa pagresponde sa mga liblib na lugar, ngunit pinipilit pa rin nilang makamit ang 5-minutong response time lalo na sa mga urbanized areas.

Paalala naman nito sa publiko na handa ang kapulisan 24/7 upang tumulong maari lamang tawagan ang 911, puntahan ang Ebuzzer application at mga numero ng pulis sa bawat himpilan sa kanilang nasasakupan.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapabuti ang imahe ng kapulisan at matiyak ang proteksyon ng karapatan ng mamamayan.