Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin para sa ‘free ride’?
Kaya mo bang magpanggap na empleyado ng sasakyan para lamang makasakay ng libre?
Ito kasi ang ginawa ng isang 35-year-old na lalaki sa Florida.
Ayon sa ulat, nahaharap ngayon sa mabigat na kaso ang isang lalaking kinilalang si Tiron Alexander, matapos mabisto ang matagal na nitong modus na nakakapag-book sa higit 120 plane tickets mula sa iba’t ibang airline sa U.S.
Napatunayan umano itong guilty sa kasong wire fraud at iligal na pagpasok sa secure area ng paliparan.
Batay sa ulat ng U.S. Attorney’s Office ng Southern District of Florida, taong 2018 pa hanggang 2024, ginagawa ni Alexander ang mga online ticketing system ng iba’t ibang airline para magpanggap na flight attendant at piloto.
Gumagamit siya ng iba’t ibang pekeng impormasyon, kabilang ang badge number at date of hire para makapag-book ng mga libreng flight na tanging para lamang sana sa mga crew ng eroplano.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakalipad nang libre si Alexander ng hindi bababa sa 34 na beses at sa kabuuan, mahigit 120 flights na ang na-book niya gamit ang iba’t ibang airline accounts at maling credentials.
Dito na rin napag-alaman ng mga imbestigador na si Alexander ay dating empleyado ng isang airline na nakabase sa Dallas mula 2015, ngunit hindi siya kailanman nagtrabaho bilang piloto o flight attendant.