DAGUPAN CITY- Nababalot ng samu’t saring stigma ang mga kalalakihan, partikular na ang mga ama, dahilan upang sarilihin ang nararamdaman at hindi na ito ibahagi sa kaniyang mga mahal sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Icelle Bañaga Soriano, Psychologist 3 ng Region I Medical Center, nabuo na sa kulturang Pilipino ang tinatawag na “macho culture” kung saan nabuo na ang imahe ng isang lalaki bilang malakas at matatag na indibidwal, mapa-pisikal man o emosyonal.

Aniya, dahil dito ay marami sa mga ama ang nananahimik na lamang at napipigilang maipakita ang kanilang tunay na nararamdaman.

--Ads--

Tinatakpan nito ang pagtanggap sa tunay na kahinaan at nauuwi na lamang sa silent depression, burn out, stress at panlalamig sa pamilya.

Kaya ayon kay Soriano, labis na makakatulong sa isang ama ang simpleng pakikipag-usap o pangangamusta.

Ito ay magandang hakbang upang unti-unti ito na maging bukas sa kaniyang saloobin, lalo na sa pamilya nito.

Ang pamilya ang may pinakamahalagang papel upang mabigyan pansin at mapag-usapan ang tinatagong saloobin ng isang ama.

Maliban pa riyan, mahalaga rin na mabigyan nito ang sarili ng ‘self-care’ o paglaan ng oras para sa sarili.

Kabilang na rito ang pagkunsidera sa paghingi ng propesyonal na tulong.

Binigyan diin niya na hindi ito nangangahulugang pagiging mahina kundi, pagiging matapang at malakas upang harapin ang sariling emosyon.

Samantala, ani Soriano, tuluyan nang mababasag ang nasabing stigma kung makakasanayang pag-usapan ang ganitong uri ng usapin.

Aniya, sa pamamamraang ito ay magiging bukas na ang mga kalalakihan na ilahad ang kanilang tunay na nararamdaman.

Maiiwasan pa nito na mauwi sa pagkitil ng sariling buhay dahil sa pagsabog ng mabigat na emosyon dulot ng depresyon.