Napapanahon na para itaas ang sahod ng mga manggagawa lalo na ang mga nasa pribadong sektor.
Ayon kay Eli San Fernando, Representative, Kamanggagawa Partylist, nararapat na ibigay ang makatwirang bahagi na iniambag ng mga manggagawa sa kompanya at ekonomiya.
Giit niya na walang katotohanan na babagsak ang ekonomiya at magsasara ang mga negosyo kapag itinaas ang sahod ng mga manggagawa.
Hindi aniya totoo na dependent ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa sahod ng mga manggagawa.
Aniya, ang pinakamagandang gawin ng gobyerno ay parehas na babain ang presyo ng mga bilihin at pataasin naman ang sahod upang makaagapay ang mga mamamayan sa lingguhan ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Matatandaan na inaprubahan ng mga kongresista sa botong 171 ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na P200.00 sahod sa mga minimum wage earners sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Dahil magkaiba ang bersiyon ng Kamara at Senado sa halaga ng dagdag na sahod, isasalang ang dalawang panukalang batas sa bicameral conference committee para talakayin kung magkano ang magiging dagdag na sahod.
Matapos nito, ipadadala na ang inayos na panukalang batas sa Malacañang para alamin kung pipirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maging ganap na batas, o hindi niya aaprubahan sa pamamagitan ng kaniyang veto power.