DAGUPAN CITY- Sinisisi ni US President Donald Trump si California Gov. Gavin Newsom sa patuloy na protesta ng mga undocumented immigrants sa nasabing lugar at dapat ito humingi ng patawad sa mga residente ng Los Angeles.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, inakusahan nito ang gobernador sa hindi umano magandang pagtrabaho nito kaya nagiging mainit ang mga protesters na kaniyang tinawag na ‘trouble-makers’.
Dahil dito ay muling ipinag-utos ni Trump sa mga libo-libong National Guard na kontrolin ang kaguluhan.
Hindi naman ito nagustuhan ni Newsom dahil aniya, naapakan nito ang kaniyang kapangyarihan sa mga National Guard.
Samantala, binabatikos ng publiko at maging mga abugado ang pag-aresto sa mga undocumented immigrants nang hindi umano kinikilala ang kanilang karapatan, kabilang na ang pagsailalim muna sa pagdinig bago ang pagkaaresto o deportasyon.
Sa kabilang dako, nagkaroon naman ng pagkalma sa alitan nina Trump at Elon Musk.
Saad ni Pascual, sa likod ng mga bangayan na ito ay kinakailangan pa rin ng dalawa ang bawat isa sa mga kailangan ipatupad na batas.
Iginiit naman umano ni Musk na malaki ang naiambag nito sa pagkapanalo ni Trump sa nakaraang presidential election.