Dagupan City – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang planong magpakalat ng mahigit 37,000 pulis sa buong bansa upang tiyakin ang seguridad sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.
Layunin ng deployment na mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan at mga lugar sa paligid ng mga paaralan.
Magkakaroon ng mga foot at mobile patrols, pati na rin ng mga police assistance desks, upang tulungan at gabayan ang mga estudyante, guro, at magulang sa araw ng pagbubukas.
Dagdag pa rito, bilang bahagi ng bagong polisiya, pansamantalang isasara ang mga police community precints upang ang lahat ng puwersa ay maituon sa lansangan at mga lugar malapit sa paaralan.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang para pigilan ang krimen, kundi ipadama sa mamamayan ang aktwal na presensya at proteksyon ng kapulisan.
Ang planong ito ay nakabatay rin sa direktiba ng Pangulo na hindi lamang dapat magpakita ng magandang crime statistics ang PNP, kundi dapat ay maramdaman mismo ng mga tao ang kaligtasan sa kanilang mga komunidad.