DAGUPAN CITY- Naaprubahan na nitong Abril 15 ang Special Science Elementary School Program sa West Central Elementary School, kung saan simula sa darating na pasukan ay mag-aalok na ng science curriculum para sa mga mag-aaral sa Grade 1 sa West 1 District.
Ayon kay Renato R. Santillan, punong-guro ng West Central Elementary School, matagal nang pinaplano ang programang ito.
Sa loob ng tatlong taon, hinanap nila ang tamang oportunidad upang maisakatuparan ito, lalo pa’t nagsara ang dating SPED curriculum na dati nilang ipinatutupad. Bilang alternatibo, iminungkahi ang pagbubukas ng espesyal na science program.
Dumating na rin sa paaralan ang mga textbook para sa Grade 1 at Grade 4 bilang bahagi ng paghahanda sa implementasyon ng bagong programa.
Inaasahan din na darating sa mga susunod na linggo ang karagdagang aklat para sa mga mag-aaral ng Grade 2, Grade 3, at Grade 5 upang masiguro ang kumpletong kagamitan ng lahat ng antas.
Samantala, nakatakda namang simulan ang taunang Brigada Eskwela sa Hunyo 9.
Magsasama-sama ang mga guro, magulang, at volunteers upang ihanda ang mga silid-aralan at pasilidad ng paaralan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa taong panuruan 2025–2026.