DAGUPAN CITY- Todo na ang paghahanda ng West Central Elementary School 1 sa Dagupan City para sa Brigada Eskwela 2025 na nakatakdang simulan ngayong Hunyo 9.

Ayon kay Conrad Don De Vera, Poject Development Officer I, maaga pa lang ay nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng paaralan sa mga magulang, guro, at iba’t ibang katuwang sa komunidad upang masigurong maayos at organisado ang pagsasagawa ng taunang aktibidad.

Layon nitong mapaghandaan ang pagbubukas ng klase sa ligtas at malinis na kapaligiran para sa mga mag-aaral.

Kabilang sa mga pangunahing ginagawa sa paaralan ay ang paglilinis ng mga silid-aralan, pagkukumpuni ng mga sirang upuan at bintana, pati na rin ang pag-aayos ng mga daanang maaaring bahain.

Tinitiyak rin ang pagputol ng mga sanga ng punong maaaring makapinsala, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Bukas ang West Central Elementary School 1 sa sinumang nagnanais tumulong maging ito man ay sa manpower, kagamitan, o suporta mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon.

Tinitiyak naman ng pamunuan na magsisimula ang taonang eskwela na maayos na ang lahat ng silid aralan para sa mga estudyante.

--Ads--