Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang pagbabantay sa mga restobars sa bayan bilang tugon sa posibleng paglaganap ng mga gawain na makasisira sa imahe nito bilang isang kilalang religious destination.

Ayon kay Pmaj. Peter Paul V. Sison ang Chief of Police ng Manaoag Police Station na bilang tugon sa deriktiba ng kanilang alkalde ay nagkaroon sila ng surprise inspection sa 5 restobars sa kanilang nasasakupan kasama ang Sanitary Office, Municipal Treasury, at Business Process Licensing Office.

Pangunahing pinagtuunan ng pansin ang pagbabawal sa pagkakaroon ng Guest Relation Officers (GROs) upang maiwasan ang prostitusyon at iba pang imoral na gawain.

--Ads--

Isinagawa rin ang “Oplan Bakal” upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang mga insidente ng karahasan.

Nilinaw naman ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na ang layunin ay mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng bayan, protektahan ang reputasyon nito, at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik tulad ng HIV at AIDS.

Hinikayat ni Mayor Rosario ang mga may-ari ng restobar na gawing mga restawran na lamang ang kanilang mga establisimyento upang mas maging kapaki-pakinabang sa mga turista.

Ayon sa kanya, may kakulangan pa sa mga restawran sa bayan, at ito ay magiging isang magandang oportunidad lalo na’t milyon-milyon ang mga bumibisita taun-taon.

Bagamat wala pang naitalang kaso ng prostitusyon, ang hakbang na ito ay isang paghahanda para sa hinaharap at pagpapanatili ng positibong imahe ng Manaoag bilang isang pilgrimage town.

Samantala, bahagi rin ito ng kanilang paghahanda para sa ika-100 anibersaryo ng Canonical Coronation ng Our Lady of the Rosary of Manaoag sa Abril 21, 2026.

Inaasahan na palalawigin pa ang kampanya at hinihikayat ang lahat na makiisa para sa ikauunlad at ikakabuti ng bayan.