Dagupan City – Ipinaliwanag ng dating Center Chief ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang dahilan kung bakit nakakapagtala ng Red Tide sa Western Pangasinan.

Ayon kay Dr. Westley Rosario, dating Center Chief ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Fisheries Development Center (BFAR-NFDC), ito ay dahil sa kilala ang nasabing parte na nananatiling “highly productive” na karagatan sa rehiyon.

Matatandaang kasi aniya na noong taong 2002 ay nagkaroon ng malawakang fish kill sa Dagupan, na siyang naging hudyat ng masusing imbestigasyon ng BFAR katuwang ang lokal na pamahalaan. Lumabas sa kanilang pagsusuri na naabuso ang Caripukan Channel, na naging sanhi ng nasabing fish kill.

--Ads--

Isa sa mga pangunahing sanhi ng red tide, ayon kay Dr. Rosario, ay ang paglabas ng maruruming tubig mula sa mga barko na may “power clug” system — isang uri ng discharge mechanism na direktang naglalabas ng dumi sa dagat.

Bukod dito ay ang pagiging likas na maalat ng tubig dagat lalo’t kilala rin ang Pangasinan sa produktong asin.

Sa pinakahuling ulat ng BFAR, may kabuuang 22 lugar sa buong Pilipinas na apektado ng red tide, kabilang na ang ilang bahagi ng western Pangasinan.

Dahil dito, patuloy ang paalala ng mga eksperto sa mga mangingisda at mamimili na maging mapanuri sa pagbili at pagkain ng lamang-dagat, lalo na sa mga lugar na may kasaysayan ng red tide contamination.

Ang red tide ay isang uri ng algal bloom na may dalang lason, partikular ang Paralytic Shellfish Poison (PSP), na maaaring makamatay sa tao kung makakain ng kontaminadong tahong, talaba, at iba pang shellfish.