Dagupan City – Ibinahagi ni Punong Barangay Gregorio Claveria Jr. ng Barangay Caranglaan ng Dagupan City ang kanyang pananaw hinggil sa iminumungkahing pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinuportahan ni Kap. Claveria ang pagpapalawig ng termino dahil ang tatlong taon sa isang termino ngayon ay hindi sapat upang lubos na maisakatuparan ang kanilang mga proyekto at programa.

Naniniwala siya na ang mas mahabang termino ay maghahatid ng tuloy-tuloy na progreso sa kanilang nasasakupan at maari ding magdulot ng magandang epekto sa pondo ng gobyerno na makatipid para sa eleksyon dahil aabot sa bilyon-bilyong pondo ang nilalaan para dito.

--Ads--

Gayunpaman, nanawagan din ito sa mga mambabatas na muling pag-isipan ang halalan sa Disyembre.

Binanggit din nito na maikli pa lamang kasi ang panahon ng kanilang panunungkulan ngayon dahil nasa ikalawang taon pa lamang sila at maaring hindi na aabot sa tatlong taon kung matutuloy ito.

Matatandaan na kamakailan lamang ay tinalakay ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang bagay na ito, kasama ang Pangulo, mga senador, at mga kongresista.

Ito ay kasabay ng pagsasaalang-alang ng Senado na palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa apat na taon, samantalang ang kongreso naman ay nagmumungkahi ng anim na taon ngunit kailangan pa itong pagbotohan ng Senado at Kamara.

Samantala, ang paninindigan ni Kap. Claveria ay umaayon sa mga alalahanin na ibinahagi ng ibang mga punong barangay na kasama ni dating bise presidente Leni Robredo nang sila ay nagtungo sa mataas na kapulungan na ipagpaliban ang halalan ngayong taon dahil sa maikling panahon ng panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal sa Barangay at SK.