Mga kabombo! Naranasan mo na rin bang managinip ng tila mga imposibleng pangyayari? Gaya na lamang ng pagkakaroon ng barko sa iyung sariling bakuran?
Paano na lamang kung totoo pala ito?
Ito kasi ang nangyari sa isang residente sa Norway, kung saan tila hindi nga talaga ito nananaginip.
Ayon sa ulat, nagising na lamang ang isang residente sa hindi niya inaasahang bisita: isang dambuhalang cargo ship na sumadsad sa bakuran ng kanyang bahay!
Kinilala ang residente na si Johan Helberg. Base sa salaysay nito, natutulog siya sa kaniyang tahanan nang mag-alarma ang kanyang kapitbahay na si Jostein Jorgensen dahil nakarinig ito ng malakas na ugong ng barko na tila diretso ang takbo patungo sa kanilang mga bahay.
Hindi agad sumagot si Helberg sa paulit-ulit na pagkatok, kaya napilitan si Jorgensen na tawagan siya sa telepono.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, pagbukas nito sa kaniyang bintana, laking gulat ni Helberg nang makita ang isang 135 meter cargo ship na halos sumampa na sa kanyang bakuran.
Ayon sa mga ulat, ang barkong NCL Salten ay naglalayag sa Trondheim Fjord patungong Orkanger nang bigla itong lumihis ng ruta at sumadsad sa baybayin, ilang metro na lang mula sa kwarto ni Helberg.
Sa kabila nito, wala namang naiulat na nasaktan. Napag-alaman naman na ito na ang ikatlong beses na sumadsad ang NCL Salten simula pa noong 2023 at 2024 sa Hadsel at Ålesund.