DAGUPAN CITY- Inanunsyo ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na may inaasahang panibagong palitan ng mga bihag ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia matapos ang ikalawang round ng peace talks sa Istanbul.

Sa kasalukuyan, nagkasundo ang dalawang panig na palayain ang mga bihag na may malubhang karamdaman at mga wala pang 25 taong gulang.

Ayon pa kay Zelensky, kailangang magpatuloy ang pressure kay Russian President Vladimir Putin sa pamamagitan ng mga bagong parusa mula sa Western countries.

--Ads--

Ibinunyag din ng Ukraine na nagsumite na ang Russia ng memorandum na naglalaman ng kanilang mga hinihingi sa negosasyon.
Tinalakay rin ang posibilidad ng isang personal na pagpupulong sa pagitan nina Zelensky at Putin bago matapos ang buwan.

Samantala, pumayag ang Russia sa isang pansamantalang tigil-putukan ng 2-3 araw sa ilang bahagi ng labanan upang makuha ang mga labi ng 6,000 sundalo.

Gayunpaman, nananatili pa ring malayo ang posisyon ng dalawang panig pagdating sa mga pangunahing isyu.

Ayon sa Ukraine, tila hindi seryoso ang Russia sa usapan at muling nanawagan ng mas mahigpit na parusa mula sa Kanluran upang wakasan ang digmaan.