Dagupan City – Naging matagupay ang isinagawang Assessment at Monitoring para sa Palarong Pambansa 2025 ng Office of Civil Defense Region 1.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Freddie Evangelista, Information Officer II ng OCD Region 1, katuwang ang hanay ng kapulisan at Department of Education, naisakatuparan ang kaligtasan para sa mga kalahok.
Aniya, bagama’t may mga naitalang insidente ng pagkahilo sa ilang atleta at kalahok, nilinaw naman ni Evangelista na ito ay bunsod ng matinding init ng panahon at mataas na heat index noong araw mismo ng event.
Dahil dito, nagpatupad naman agad ang DepEd ng game hour adjustments upang maiwasan ang labis na pagkabilad sa araw ng mga atleta.
Kaugnay nito, ibinahagi rin nito ang mga naging hamon ng preparasyon gaya na lamang ng mabagal na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kakalsadahan sa lungsod. Kung kaya’t agaqd ring nagpatupad ng rerouting scheme ang kapulisan upang maiwasan ang mga tinatawag na “bottleneck” o pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing kalsada na malapit sa mga venue ng laro.
Dito naman na binigyang-diin ni Evangelista ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga partner stakeholders upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga kalahok sa Palarong Pambansa 2025.