Dagupan City – Mga kabombo! Isa ka ba sa mga namamangha sa accent ng mga Britanya?
Nasubukan mo na rin bang ipractice at sanayin ang kanilang accent?
Paano na lamang kung malaman mong pwede pala ito sa hindi ordinaryong pagkakataon.
Kung saan, isang pambihirang pangyayari ang gumulat sa mga doktor at residente ng Montval-sur-Loir, matapos magising mula sa operasyon ang isang babaeng cashier na si Laetitia, 47 taong gulang, nang biglang naging British accent — kahit pa hindi siya marunong magsalita ng Ingles!
Ayon kay Laetitia, sumailalim siya sa tonsillectomy noong 2010, isang simpleng operasyon sa kanyang tonsils. Ngunit sa hindi inaasahang twist, nagising siya mula sa anesthesia na tila isang Briton magsalita.
Aniya, ni hindi man lang nabanggit ng doktor na nagkaroon ng komplikasyon sa operasyon. Tatlong linggo matapos ang surgery, tiniyak sa kanya ng mga espesyalista na normal ang lahat.
Ngunit makalipas ang tatlong buwan, bumalik si Laetitia sa ospital upang ireklamo ang di na niya maipaliwanag na pagbabago.
Kalaunan, nadiskubre na si Laetitia ay may Foreign Accent Syndrome — isang sobrang rare na kondisyon kung saan ang apektado ay nagsisimula nang magsalita na may banyagang accent, kahit hindi sila bihasa sa lengguwaheng iyon.
Isa naman sa mga maaaring sanhi nito ay ang trauma sa utak, stroke, o operasyon tulad ng sa kaso ni Laetitia.
Ayon sa mga eksperto, posible raw na may bahagi ng utak ni Laetitia ang hindi nadaluyan ng sapat na dugo habang siya ay inaoperahan, dahilan ng biglang pagbabago sa kanyang pananalita.
Bagama’t nananabik pa rin si Laetitia na maibalik ang kanyang dating boses, tinanggap na niya ang bagong bersyon ng sarili.