Dagupan City – ‎Nagpaalala na ang Public Order and Safety Office o POSO ng bayan ng Mangaldan sa mga pedicab driver na magpatala sa kanilang tanggapan bilang bahagi ng isinusulong na patas na kalakaran sa pagitan ng mga pampasaherong tricycle at pedicab sa bayan.

Ayon kay POSO Chief ng Mangaldan Gerardo Ydia, bibigyan muna ng sapat na palugit ang mga pedicab driver upang maisaayos ang kanilang mga kinakailangang dokumento. Sa unang mga paglabag, hindi agad huhulihin ang mga ito kundi wawarningan muna at hihikayatin na simulan na ang proseso ng pagpaparehistro.

Isa sa mga dahilan ng panawagan ay ang obserbasyong halos pareho na rin ang pamasahe ng pedicab at tricycle sa ilang ruta.

Dahil dito, iginiit ng POSO na makatuwiran lamang na dumaan din sa parehong proseso ng pagpaparehistro ang mga pedicab driver gaya ng medical certificate, sedula, at iba pang rekisito na hinihingi rin sa mga tricycle driver.

Layon ng hakbang na ito na tiyakin ang patas na kompetisyon sa hanay ng mga pampasaherong sasakyan at mapanatili ang kaayusan sa kalsada ng Mangaldan.

Sa huli, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang kooperasyon ng lahat upang maisulong ang mas maayos, ligtas, at patas na sistema ng transportasyon sa bayan.