Dagupan City – Nakapagtala ng pagtaas ang Department of Health (DOH) Region 1 ng 2,095 na kaso ng dengue sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, ito ay 164% na pagtaas kumpara sa naitalang bilang ng kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
Pinakamataas ang bilang ng kaso ay ang lalawigan ng Pangasinan na may 945 kaso, sinundan ng La Union na may 454, Ilocos Sur na may 402, Ilocos Norte na may 202, at ang Dagupan City ay nakapagtala ng 92 kaso.
Bukod sa tumataas na bilang ng kaso, sampung (10) pagkasawi na rin ang naitala sa buong rehiyon — pito (7) mula sa Pangasinan, dalawa (2) sa La Union, at isa (1) sa Dagupan City.
Ayon kay Dr. Bobis, ang mga karaniwang sintomas ng dengue ay: Lagnat na mataas ang temperatura, Pagdurugo ng ilong o gilagid, Pagkakaroon ng rashes o pantal sa balat, at Pananakit ng tiyan
Nagbabala rin siya na hindi dapat balewalain ang mga sintomas na ito. Dahi ani Bobis ang dengue ay nakamamatay. Kaya’t kapag nakaramdam ng mga sintomas, agad na magpatingin sa pinakamalapit na health facility.
Ayon sa datos ng DOH, ang pagtaas ng kaso ay maaaring dulot ng mas maulang panahon at kapabayaan sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, gaya ng mga baradong kanal, nakatiwangwang na gulong, at iba pang bagay na naiipunan ng tubig-ulan.