DAGUPAN CITY- Dapat ay maging wake-up call sa pamahalaan at mga kinauukulang ahensya ang mababang functional literacy ng mga mag-aaral at magkaroon ng konkretong aksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Arlene James Pagaduan, Pangulo ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) Central Luzon, hindi na bago ang ganitong mga ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Aniya, tila madaling isisi sa mga guro ang problema, ngunit hindi nakikita ang bigat ng trabaho na nakaatang sa kanila.

--Ads--

Ibinahagi rin niya na may tinatayang 52 workload ang isang guro, at matagal na nilang hinihiling na mabawasan ito upang makapagpokus sa aktwal na pagtuturo.

Aniya, ang pagtuturo ay isa lamang sa maraming gawaing kailangang gampanan ng mga guro, kaya’t hirap silang magbigay ng sapat na oras at atensyon sa bawat estudyante.

Panawagan ng ASSERT na kilalanin ang tunay na kalagayan ng mga guro at pag-isipan muli ang mga polisiya upang maisulong ang dekalidad at makabuluhang edukasyon sa bansa.