DAGUPAN CITY- Patuloy na binabantayan ng Department of Health (DOH) Region 1 ang kalagayan ng unang kaso ng monkey pox dito sa rehiyon bilang parte ng kanil;ang hakbang na malabanan ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health (DOH) Region 1, naitala ang unang kaso mula sa isang overseas Filipino worker (OFW) mula Ilocos Sur.

Aniya, sa kasalukuyan ay nananatili sa isang pagamutan ang pasyente at patuloy na binibigyan ng sapat at tamang medikal na atensyon.

--Ads--

Bago pa man aniya umuwi sa Pilipinas ay nakaranas na ng ilang sintomas ng monkeypox ang pasyente habang nasa ibang bansa.

Dagdag pa ng opisyal, mahigpit na mino-monitor ng kanilang tanggapan ang mga nakasalamuha ng pasyente sa loob ng 21 araw upang matiyak na walang sintomas ng sakit.

Sa ngayon ay wala pa namang nakikitaan ng anumang sintomas sa mga close contact nito.

Pinaalalahanan din ni Dr. Bobis ang publiko na huwag mag-panic at sa halip ay alamin ang tamang impormasyon hinggil sa sakit.

Patuloy din ang pag-iigting ng DOH Region 1 sa pagbabantay at pagtutok sa kalusugan ng mga mamamayan sa rehiyon.