DAGUPAN CITY- Taliwas sa pagiging matagumpay ang kakatapos na halalan sa paniniwala ni Kontra Daya Convenor Prof. Danilo Arao dahil sa mga napaulat na aberya mula sa kabuoang eleksyon.
Ayon sa kaniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, naging pangunahing reklamo na kanilang natatanggap ay ang mga pagloloko ng Automated Counting Machine (ACM) katulad na lamang ng hindi nababasang balota, over voting, paperjam, at pag-overheat ng makina.
Habang hindi naman naging transparent ang transmission ng mga boto dahil ibang version ng ACM ang ginamit kumpara sa mababang bersyon sa technical evaluation.
Nagkaroon din ng discrepancy sa transmission dahil nagkaroon ito ng delay sa ibang mga server dulot ng pagkakaiba ng data format.
Kaya matagal na pinapanawagan ng Kontra Daya ang manual counting dahil bagaman mabagal man ito subalit, sigurado naman ang tiwala at transparency.
Maliban pa riyan, naitala nila ang pinakamaraming insidente ng vote-buying noong panahon ng pangangampanya kung saan ang pinakamalaking naitala ng kanilang tanggapan ay ang P16,000 kada botante mula sa isang lokal na kandidato.
Kabilang din ang ilan sa mga party-list group sa nakitaan ng vote buying, na para kay Arao, taliwas sa pagrepresenta nito sa mga nasa laylayan at sinamantala pa ang kalagayan ng mga ito.
Bukod pa riyan, may mga nominee sa mga party-list ang sangkot sa political dynasty, may nakabinbin na kaso sa kurapsyon at plunder, at limitado rin ang impormasyon na inilaan sa publiko.
Bagaman magiging istrikto na rin ang Comelec sa mga ipapangalan sa party-list ay hindi naman aniya ito mareresolba ang tunay na problema sa halalan.
Saad ni Arao, ang pagreporma ng ilang mga batas na may kaugnayan sa screening ng mga tatabkong party-list ang nararapat na solusyon.
Dapat din isapubliko ang “statement[s] of contributions and expenses” (SOCE) para mabantayan ng bawat isa kung sino pa ang mga sangkot sa vote buying.
Samantala, ayon kay Prof. Arao, naging mataas ang voter turnouts sa kakatapos na halalan dahil sa mga kaganapan sa bansa.