Isinagawa ang isang malawakang clearing at flushing operation sa Fire Tree Avenue, Barangay Aserda sa bayan ng Mapandan.

Pinangunahan ito ng Mayor’s Office katuwang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), General Services Office (GSO), Municipal Anti-Peddling Task Enforcement (MAPTE), at Barangay Aserda Council.

Ang naturang hakbang ay isinagawa bilang tugon sa mga reklamo ng mga residente ukol sa pagdami ng mga illegal vendors sa lugar.

--Ads--

Ayon sa ulat, ang presensya ng mga vendor na walang kaukulang permit ay naging sanhi ng mabigat na trapiko, pagkalat ng basura, at masangsang na amoy na nakaaapekto sa kalinisan at kaayusan ng nasabing lansangan.

Bukod dito, naapektuhan din umano ang kita at operasyon ng mga lehitimong negosyante na may maayos na dokumento at nagbabayad ng tamang buwis.

Bilang suporta sa mga legal na vendor, isinagawa ang operasyon upang ibalik ang kaayusan at bigyan ng patas na pagkakataon ang mga sumusunod sa batas.

Layunin ng lokal na pamahalaan na gawing organisado, malinis, at kaaya-aya ang kapaligiran ng Aserda.

Bahagi rin ito ng mas malawak na kampanya para itaguyod ang disiplina at tamang kabuhayan ng mga mamamayan.