Dagupan City – Nakitaan ng Provincial Health Office dito sa lalawigan ng Pangasinan ang pagtaas ng kaso ng Snake Bite o kagat ng ahas ngayong taon sa halos 5 buwan kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay Dr. Maria Vivian V. Espino ang Officer in Charge ng nasabing opisina na sa buwan ng Enero hanggang Mayo ngayong taon nakapagtala na sila ng 33 kaso habang noong 2024 ay nasa kabuuang 77.

Aniya na kahit mataas ang bilang nito ngayong kwarter ay wala namang naiulat na nasawi

--Ads--

Saad pa nito na halos mga ahas na hindi naman venomous ang nakakakagat sa mga pasyente.

Karamihan sa mga pasyente na may mga kaso nito sa lalawigan ay mula sa San Carlos City District Hospital.

Pagbabahagi nito na ang lugar na halos may mga naitatalang kaso nito ay ang mga nasa bukid at isang factor din ang pagdaan sa mga madadamong lugar kapag madilim o walang proteksyon sa paa.

Kaugnay nito na ang epekto nito sa tao kahit hindi nakakamatay ang kumagat ay anxiety sa pasyente dahil sa pag-iisip na maari silang mamatay.

Pero kahit aniya non-venomous o venomous ang ahas na kumagat ay dapat mabilisan ang pagtugon dito gaya ng pagdadala sa malapit na ospital upang mabigyan ng paunang lunas.

Ipinaliwanag din nito ang mga dapat at hindi dapat gawin kapag kinagat ng ahas.

Unahin ang paglilinis gamit ang bulak ngunit huwag masyado kuskusin, tinyaking hindi nagagalaw ang nakagat na parte dahil kung nagalaw ito mas madaming dugo ang dadaloy kung saan mas mabilisi kumalat ang venom, lagyan ng bandage ngunit huwag mahigpit, bawal hiwain o sugatan, bawal sipsipin ang venom, bawal maglagay ng ice o yelo, at iba pa.

Samantala, may mga sapat naman silang vial para sa Anti-venom sa kanilang opisina upang maibigay sa bawat district hospital kung kinakailangan.

Sapat din ang training ng bawat medical expert sa pagtugon sa mga ganitong kaso sa lalawigan.