DAGUPAN CITY- Dapat na gawing prayoridad ang kahandaan at kailgtasan ng bawat isa sa panahon ng tag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng Office of the Civil Defense (OCD) Region I, tiniyak niya na patuloy ang koordinasyon ng kanilang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan upang mapaghandaan ang paparating na tag-ulan.
Aniya, mahalagang matukoy agad ang mga lugar na maaaring paglagyan ng evacuation centers, lalo na sa mga bayan at lungsod na madalas tamaan ng kalamidad.
Dagdag pa niya, kung may kakayahan ang barangay na magtayo ng sarili nilang evacuation center, ay hinihikayat itong gawin.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 3,000 na ang bilang ng mga evacuation centers sa rehiyon, ayon sa kanilang talaan.
Panawagan naman niya sa publiko na maging handa sa lahat ng uri ng sakuna at huwag mahiyang magtanong sa kanilang mga LGU kung ano ang dapat gawin sa oras ng kalamidad.