DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng libreng medical assistance ang isang grupo ng mga Pilipino sa Hongkong bilang bahagi ng kanilang aktibidad upang tumulong sa mga kababayang Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Pantat de Guzman, Bombo International News Correspondent sa Hongkong, inilahad niya ang isinagawang medical mission ng Bagong Bayani Eagles Club para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nasabing bansa.
Aniya, mahigit 300 katao ang napagsilbihan sa libreng serbisyong medikal na bahagi ng kanilang layuning tumulong sa kapwa.
Bukas-palad aniya ang grupo sa pagbibigay ng tulong gaya ng medical mission at feeding program, saanmang bansa naroroon ang kanilang mga miyembro.
Dagdag niya, maingat silang pumipili ng mga miyembrong handang maglingkod at tumulong sa mga komunidad.
Sa kabila ng sakripisyo ng pagiging malayo sa pamilya, patuloy ang kanilang pagkakawanggawa para sa kapwa.
Panawagan naman niya sa mga kapwa OFW na maghanap ng maaring paglibangan upang maibsan ang pangungulila sa pamilya.