Bumaba ang transmission charge na binabayaran ng mga konsyumer ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) ngayong buwan ng Mayo, bunga ng halos 40% na pagbaba sa transmission rate mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), partikular sa ancillary services na bahagi ng kanilang transmission operations.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, ang malaking pagbaba ng transmission rate ay direktang nakaaapekto sa singil ng kuryente at isang positibong balita para sa mga member-consumer ng kooperatiba.
Ipinaliwanag niyang ang transmission charge ay nahahati sa regulative charges at ancillary charges, depende sa pangangailangang teknikal kada buwan.
Dagdag pa ni Corpuz, sumali ang CENPELCO sa mga aktibidad at programa upang makakuha ng mas mababang rate mula sa mga generator companies, kaya’t mas malaki ang posibilidad na patuloy pang bumaba ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.
Aniya, sapat ang suplay ng kuryente sa kasalukuyan at wala pa sa antas na magdudulot ng yellow alert, na karaniwang indikasyon ng mataas na demand at mababang suplay.
Malayo pa rin aniya sa red alert status na posibleng magdulot ng rotational brownout.
Inihayag din ni Corpuz na nasa proseso na ang pagdagdag ng isang bagong solar energy source o planta na makatutulong sa patuloy na pagpapababa ng electricity rate sa hinaharap.