DAGUPAN CITY- Pagbaklas ang naging unang hakbang ng Anti-Dangling Wire Team ng lokal na pamahalaan, katuwang ang mga telcos, upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga nakabiting kable sa Poblacion area sa bayan ng Bayambang.

Pinagtulungang baklasin ng mga tauhan mula sa Engineering Office, at iba pang ahensya kasama ang mga kinatawan ng CENPELCO ang mga kable na bumababa na sa abot ng tao at maaaring magdulot ng aksidente, lalo na sa mga motorista at mga pedestrian.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang nasabing hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga dangling wires.

--Ads--

Layunin ng inisyatibong ito na alisin ang mga potensyal na panganib sa lansangan, kasabay ng pagtaguyod ng kaayusan at kaligtasan sa komunidad.

Nagsimula ang clearing operation sa mga pangunahing kalsada ng Poblacion, kung saan naitala ang pinakamaraming reklamo mula sa mga residente at motorista.

Inaasahan ding magpapatuloy ang aktibidad sa mga susunod na araw hanggang masiguro ang kalinisan at kaayusan ng mga linya ngkuryente at komunikasyon sa buong bayan.