Halos 100 katao, kabilang ang mga bata, ang nasawi sa isang malawakang pag-atake na inilunsad ng Israel sa hilagang Gaza.
Ayon sa civil defence, hindi bababa sa siyam na bahay at mga toldang tinutuluyan ng mga sibilyan ang binomba .
Iniulat din ng mga saksi ang paggamit ng mga smoke bomb, pamamaril ng artillery, at pagpasok ng mga tangke sa Beit Lahia.
Ayon sa militar ng Israel, nagsasagawa sila ng operasyon upang buwagin ang mga terrorist infrastructure sites sa hilagang Gaza.
Ito ang pinakamalaking opensiba sa Gaza mula nang ipagpatuloy ng Israel ang kanilang opensiba noong Marso.
Ayon kay Basheer al-Ghandour, na tumakas mula Beit Lahia patungong Jabalia matapos ang pag-atake, natutulog pa ang mga tao nang maganap ang biglaang “matinding pambobomba at pagbagsak ng mga bala ng kanyon.
Ayon sa mga residente, nagsimula ang pag-atake sa pamamagitan ng sunud-sunod na smoke bomb bago sinundan ng matinding pamamaril ng artillery mula sa mga posisyon ng Israel malapit sa lugar.
Pagkatapos nito, nagsimulang umabante ang mga tangke patungong Al-Salateen na nasa kanlurang bahagi ng Beit Lahia.
Pinalibutan din ng mga Israeli armored vehicles ang isang paaralang nagsisilbing kanlungan ng daan-daang mga lumikas na sibilyan.