Dagupan City – Mga kabombo, isang kakaibang kwento ang lumutang mula sa UK kung saan isang 35-anyos na lalaki ang literal na nasusuka tuwing sinusubukan niyang kumain ng prutas, gulay, itlog, o karne!
Kinilala ito na si Thomas Sheridan ay hindi basta-bastang “picky eater” — sa buong buhay niya, tatlong bagay lang ang halos laman ng kanyang diet: dalawang pirasong puting tinapay, tatlong mangkok ng Shreddies cereal, at Haribo gummy candy. Hindi pa raw siya kailanman tumikim ng prutas o gulay — ni isang kagat!
Ayon sa mga eksperto, si Thomas ay may Avoidant Restrictive Food Intake Disorder o ARFID, isang matinding eating disorder kung saan ang isang tao ay may matinding takot o pagkasuklam sa pagkain, dulot ng texture, lasa, o masamang karanasan.
Kwento ng kanyang mga magulang, nagsimula ang lahat noong 18 months old pa lang si Thomas. Bigla na lang itong tumangging kumain ng kahit ano maliban sa piling-piling pagkain.
Sa eskwela, pinapayagan pa siyang umuwi para sa lunch — toast lang daw kasi ang kaya niya. Ngayon naman bilang isang adult, ramdam na ramdam na niya ang epekto nito. Sa huling trabaho niya, 10 araw lang siyang tumagal at agad siyang bumaba ng 21 pounds!
Dahil sa sitwasyon, umaasa si Thomas na makakalikom siya ng $8,000 o katumbas ng P450,000 para sumailalim sa hypnotherapy — baka raw ito na ang susi para tuluyang matanggap ng katawan at isipan niya ang ibang uri ng pagkain. Pero aminado siyang walang kasiguraduhan kung gagana ito.