Dagupan City – ‎Isinagawa kahapon, Mayo 14 sa Municipal Wellness Center ng Mangaldan, Pangasinan ang isang espesyal na recruitment activity na pinangasiwaan ng Public Employment Services Office o PESO sa tulong ng 1st Norther International Placement, Inc.

Layunin nitong mabigyan ng oportunidad ang mga kababayan na makapasok sa trabaho sa ibang bansa, kung saan tinatayang 2,800 job vacancies ang inialok para sa mga bansang Qatar, USA, Malaysia, UAE, Germany, Bahrain, Saudi Arabia, Oman, Dubai, at Thailand.

Ilan sa mga aplikante ang agad na tinanggap o naging hired on the spot para sa mga posisyong babysitter, caregiver, lady driver, at domestic helper. Ang iba naman ay isinailalim sa screening at inabisuhang maghintay ng karagdagang anunsyo mula sa agency.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal, sa pangunguna ni Mayor Bona Fe Parayno, sa mga recruitment agency upang makapaghatid ng oportunidad sa mga Mangaldanian, mapa-lokal man o overseas. Pangungunahan pa rin ito ng PESO sa pamumuno ni Helen G. Abalos-Aquino.

Inaanyayahan ang publiko na sumubaybay sa mga susunod pang job fair at recruitment activities sa pamamagitan ng Public Information Office ng Mangaldan o direktang makipag-ugnayan sa PESO Mangaldan.