DAGUPAN CITY- Pagsasaayos sa internal rules at ang committee chairmanship ang unang tututukan ni Mangaldan Vice Mayor-elect Atty. Johnny Cabrera sa kanilang bayan sa oras na maupo na siya sa pwesto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniyan, nakikita niyang mahalagang hakbang ito bago ang pagpapasa ng mga ordinansa para sa tiyak na kaayusan sa mga opisyal.
Aniya, bagaman may mga karanasan na siya sa politika, nakikita niya na mas ‘challenging’ ang pagiging bise alkalde dahil lalong hindi simple ang function nito sa pamamahala.
Samantala, ibinahagi niya na ginhawa at tuwa ang kanilang naramdaman sa kaniyang pagkapanalo matapos makakuha ng 27,515 na mga boto mula sa mga Mangaldeño.
Hindi pa rin aniya mag-sink in ito sa kaniya at hindi pa siya sanay sa tuwing tinatawag siyang “Vice Mayor” ng mga tao.
Hindi rin kase nila inaasahan na ganito kalaking bilang ng boto ang kaniyang makukuha lalo na’t isang former vice mayor at incumbent municipal councilor ang kaniyang katunggali sa naturang pwesto.
Naniniwala siya na isa sa dahilan ng kaniyang pagkapanalo ay nagawa niyang makapasok sa busilak na puso ng mga Mangaldeño, lalo na sa tuwing pangangampanya niya.
Malaking boto ang nakuha ni Atty. Cabrera sa Brgy. Malabago, kung saan siya lumaki, at tatlo lamang na barangay ang hindi niya nakuha.
Labis naman siyang nagpapasalamat sa mga residente ng kanilang bayan sa pagboto sa kaniya at nangangakong gagawin ang lahat para magampanan ang pwesto.
Bago pumasok si Atty. Cabrera sa pamumulitika ay sumailalim muna siya sa isang private practice bilang lawyer sa kanilang bayan.
Hanggang sa nag-umpisang mangampanya bilang politiko sa bayan ng Mangaldan noong 2016 para sa pagka-konsehal.
Nagre-elect sa pagkakonsehal noong 2019 at inabot niya ang 2022 para sa kaniyang huling termino.