Matagumpay at mapayapang National at Local Elections (NLE) 2025 ang naitala sa Pangasinan dahil sa masusing pagpaplano at kooperasyon ng Pangasinan Police Provincial Office (Pang PPO) at ng kanilang mga partner agencies.
Wala umanong malaking insidente ng karahasan ang naitala, ayon sa ulat ng opisina sa pamumuno ni PCOL Rollyfer J. Capoquian, Provincial Director.
Ang maagang paglulunsad ng mga operasyon at strategic deployment ng mga pulis ang susi sa tagumpay lalo na sa bawat polling precincts kung saan tinutukan din ang pagtatalaga ng mga dagdag na tauhan sa walong lugar na itinuturing na “areas of concern,” sa lalawigan.
Pinagtibay din dito ang police visibility habang pinaigting din ang mga checkpoint operations at mahigpit na ipinatupad ang COMELEC gun ban.
Ang patuloy na pakikipagtulungan sa COMELEC, AFP, PCG, BFP, LGUs, at iba pang ahensya, kasama ang aktibong pakikilahok ng komunidad, ang nagbigay daan sa maayos na pagdaraos ng halalan.
Nagpasalamat si PCOL Capoquian sa lahat ng mga indibidwal at grupo na tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Pinatunayan ng mapayapang halalan ang dedikasyon ng Pangasinan PNP sa pagtataguyod ng integridad ng eleksyon.