Dagupan City – Umabot sa mahigit 10,000 ang bilang ng mga uniformed personnel na naideploy sa Rehiyon 1 para sa National at Local Midterms Election 2025.

Ayon kay Police Lt. Col. Benigno C. Sumawang, Chief ng Regional Public Information Office (RPIO) ng Police Regional Office 1 (PRO1) na nasa kabuuang 9,288 ang kanilang mga tauhan na tututok sa halalan.

Bukod dito, mayroon ding ibinigay na suporta ang iba pang ahensya gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagbigay ng 1,052 tauhan, 77 na tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinabibilangan ng Army at Air Force; at 104 tauhan naman mula sa Philippine Coast Guard (PCG).

--Ads--

Aniya na nakapaglagay na sila ng kanilang mga tauhan sa kabuang polling centers sa rehiyon na nasa 2684 kung saan sa Pangasinan mayroong 1204, La union na may 416, Ilocos Sur na may 667 habang sa Ilocos Norte naman ay mayroong 397.

Bukod sa mga polling centers, mayroong din mga pulis na naka-assign sa mga Comelec warehouses, Comelec offices, Kontra-Bigay Complaint Centers, at Quick Reaction Teams sa bawat border control.

Mayroon ding Reactionary Standby Support Force (RSSF) na nakahanda sa Regional Headquarters at sa 4 na Police Provincial Offices (PPOs).

Samantala, 194 naman na tauhan nila ang ipinadala sa PRO- BAR o sa parte ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na magsisilbing Special Electoral Board.

Wala namang itinalagang back-up na pulis para sa Electoral Board sa Rehiyon 1 dahil inaasahang mapayapa ang halalan dito.

Samantala, nananatiling 12 parin ang nasa areas of concern sa rehiyon kung saan wala naman sa mga ito ang naitaas sa kani-kanilang kategorya habang hindi pa aniya nadadagdagan ang nag-iisang kaso ng Election Related incident na naitala sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Siniguro ni Lt. Col. Sumawang na handang-handa na ang kanilang hanay para sa anumang pangyayari bago, habang, at pagkatapos ng halalan dahil sa mga naunang pagbibigay ng briefing sa kapulisan at sa patuloy na pagbisita ni Regional Director PBGen. Lou Evangelista sa bawat lugar sa rehiyon.