Dagupan City – Umabot sa mahigit 10 truck ng bombero mula sa 10 iba pang mga fire station ang nagtulungan sa pag-apula ng apoy sa nangyaring sunog sa pamilihang bayan ng Basista.
Kinabibilangan naman ito ng Lingayen, Urbiztondo, Mangatarem, Calasiao, Malasiqui, Alcala, Bayambang, Basista, lungsod ng San Carlos at Dagupan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Casimira Sinlao, may-ari ng natupok na grocery store at bahay, sinabi nito na nagulat na lamang siya nang magising ito ng madaling araw matapos na nakarinig siya ng ilang mga nagpuputukan, noong una’y inakala niyang baka putok ang mga ito ng baril hanggang sa pagsilip nito sa labas ay unti-unti nang natutupok ang ilang bahagi ng pamilihan hanggang sa nadamay na rin ang kanilang residential place.
Aniya, taong 1980 pa nang mag-umpisa silang magbenta sa nasabing bahagi at ngayon lamang umano ito naranasan.
Dahil sa maikling panahong pagsalba ng kagamitan, wala silang naisalba na mga paninda at tanging ilang mga appliances lamang.
Sa kabila nito, nasugatan naman ang kaniyang apo dahil sa kagustuhang makasalba ng kagamitan.
Samantala, ayon naman kay Marco Cancino Pinlac, may-ari ng 7 pwestong natupok sa loob ng pamilihan, nakakasakit umano ng loob ang pangyayari.
Humiling naman ito ng safety sa pamilihan para sana’y maiwasan ang nangyaring sunong.
Sa kabila nito, nasa fire control naman na ang sunog dakong alas-8 ng umaga at patuloy rin ang isinasagawa nilang imbestigasyon.