DAGUPAN CITY- Matagal nang panahon naninilbihan ang mga guro bilang electoral board tuwing halalan subalit hindi sapat ang kanilang nakukuhang benepisyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers Philippines, panawagan nila sa pamahalaan na gawin nang tax free ang kanilang makukuhang honorarium sa midterm elections.

Aniya, sa kanilang matatanggap ay mababawasan pa ito ng halos P1,800 o may katumbas na 35 kilo na bigas.

--Ads--

Kung sa tutuusin, wala rin naman ibinibigay na meal allowance at transportation allowance para sa mga guro na tutulong sa halalan.

Kaya ang pagtanggal sa tax sa kanilang honorarium ay malaking bagay na at pagpapakita ng pagkilala sa efforts ng mga guro.

Tinitiyak naman ni Quetua na bibigyan nila agad ng aksyon kapag nakaranas muli sila ng pagkukulang sa kanilang honorarium, lalo na kung hindi ito matatanggap agad.

Samantala, nabanggit din ni Quetua na lalo pang maghahanda ang mga kaguruan sa nalalapit na halalan partikular na sa mga nasa ilalim ng hot spot areas o mga lugar na may banta sa buhay ng mga guro, bunsod na rin ng napapaulat na red-tagging sa mga guro.

Aniya, nagsagawa na ng pagpupulong ang kanilang regional at division leaders upang magkaroon ng Quick Reaction Team.

Tiniyak naman niya na magiging tapat ang mga guro sa legal na mandato ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na halalan.

Kaya kaniyang hinihikayat ang publiko para sa buong kooperasyon upang matiyak ang maayos at tapat na halalan.