DAGUPAN CITY- Naka-full alert na ang Philippine National Police sa lungsod ng Dagupan upang matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na eleksyon sa darating na araw ng botohan, ngayon ilang araw na lamang ang binibilang.

Isa sa mga pangunahing hakbang ng PNP ay ang pagtatalaga ng dalawang police personnel sa bawat presinto sa lahat ng voting centers sa lungsod.

Layunin nitong masigurong may sapat na presensya ng kapulisan sa mga lugar ng botohan upang agad na makaresponde sakaling magkaroon ng anumang aberya.

Ayon kay PMaj. Apollo Calimlim, Deputy Chief of Police ng PNP Dagupan, umaasa silang hindi na mababawasan ang kanilang tauhan, lalo’t kabilang sa yellow category ang lungsod.

Ibig sabihin, may potensyal na magkaroon ng election-related incidents, kaya’t higit na kinakailangan ang masusing pagbabantay.

Sa ngayon, batay sa kanilang assessment, wala pang nakikitang pangangailangan para sa augmentation o pagdagdag ng puwersa mula sa ibang lugar.

--Ads--

Gayunman, tiniyak ni Calimlim na naka-standby ang kanilang quick reaction team, handang rumesponde sa anumang insidenteng maaaring mangyari sa mga susunod na araw.

Patuloy rin ang pinaigting na checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, at sa ngayon ay nananatiling mapayapa ang sitwasyon.

Samantala, apat na indibidwal na ang naaresto dahil sa paglabag sa ipinatutupad na COMELEC gun ban.

Kabilang sa mga nakumpiska ay mga tunay na baril at gun replicas na mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng election period.

Muling ipinaalala ng PNP sa publiko ang kahalagahan ng pagsunod sa batas.

Ayon kay Calimlim, ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban ay bahagi ng kanilang layunin na mapanatili ang seguridad, katahimikan, at kaayusan ng komunidad habang papalapit ang halalan.