Dagupan City – Nagsitumba ang ilang mga puno sa bayan ng Sta. Barbara dahil sa malalakas na pag-ulan na sinabayan ng buhawi
Ilan dito ay ang isang puno ng mangga na natumba at humambalang sa kalsada sa Barangay Erfe.
Ang insidente ay nagdulot ng pansamantalang abala sa daloy ng trapiko at pagkakaputol ng kuryente sa ilang bahagi ng lugar matapos bumagsak ang puno sa pangunahing linya ng kuryente.
Base sa nararanasang panahon, malakas ang buhos ng ulan bandang hapon nang biglang umihip ang malakas na hangin at tuluyang itinumba ang nasabing puno.
Agad namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sta. Barbara upang isagawa ang clearing operation, katuwang ang Barangay Council ng Erfe.
Kasama rin sa nagbigay ng suporta ang Barangay Council ng kalapit na Barangay Banzal, na nagpadala ng karagdagang tauhan at kagamitan upang mapabilis ang operasyon.
Sa loob lamang ng ilang oras matapos ang insidente, matagumpay na natanggal ang nakahambalang na puno at naibalik ang normal na daloy ng trapiko sa lugar.
Pinaalalahanan naman ng MDRRMO ang publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat lalo na sa panahon ng masungit na panahon.