Dagupan City – Sa isang maagang pagtitipon sa loob ng istasyon, nagdaos ng final deployment briefing ang mga miyembro ng Dagupan City Police na itatalaga sa 2025 National and Local Elections. Layon nitong masuri ang kanilang kahandaan bago ang mismong araw ng halalan.
Ipinresenta sa mga pulis ang updated na security plan, kabilang ang specific assignments sa mahigit dalawampung polling centers sa lungsod. Binigyang-diin ang mabilisang pagtugon sa anumang uri ng insidente—mula sa aberya sa crowd control, posibleng ballot snatching, hanggang sa pagresponde sa election-related violence.
Isa-isang inilahad sa briefing ang mga lugar na itinuturing na “areas of concern,” kabilang ang ilang barangay na may kasaysayan ng matinding tensyon tuwing eleksyon. Tiniyak na may sapat na puwersa sa mga lugar na ito, katuwang ang mga tauhan mula sa regional mobile force at barangay tanod.
Pinaalalahanan din ang mga kalahok na pairalin ang maximum tolerance, panatilihin ang political neutrality, at tiyaking makakarating sa presinto ang bawat botante nang ligtas at walang intimidation.
Bahagi ng briefing ang simulation ng ilang senaryo tulad ng gulo sa pila, pagtatalo sa loob ng presinto, at ang proseso ng pag-escort sa mga election returns pagkatapos ng bilangan.