DAGUPAN CITY- Isinagawa na ang pagdi-dispatch ng mga Automated Counting Machine o ACM sa bawat voting center sa lungsod ng Dagupan para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, ang election supervisor ng COMELEC Dagupan, may kabuuang 163 na ACM ang dinala sa iba’t ibang voting center sa lungsod.

Aniya, isinagawa ang pamamahagi bago ang itinakdang final testing and sealing ng mga makina sa darating na Mayo 6, 2025.

--Ads--

Kasabay rin nito ang mock election na layuning tiyakin ang maayos na paggana at kondisyon ng mga gagamiting makina, pitong araw bago ang midterm election.

Patuloy din ang monitoring ng COMELEC Dagupan sa pagdating ng mga ACM sa bawat barangay upang matiyak ang maayos na distribusyon at seguridad ng mga ito.

Kaugnay nito, ipinatupad ang mahigpit na pagbabantay sa mga voting center sa tulong ng mga electoral boards, kapulisan, at mga volunteer mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Bukod dito, isinagawa rin ang inventory at verification ng mga official ballot upang matiyak ang pagtutugma ng mga presinto sa mga balotang nakaimbak sa loob ng mga ballot box.