Hindi bababa sa 7 katao ang nasawi at 20 ang sugatan sa pagpapasabog ng isang ospital at pamilihan sa South Sudan, habang ang takot sa pagbabalik ng gyera ay lalong lumalaki pa.
Ayon sa Doctors Without Borders (MSF), isang helicopter gunships ang naghulog ng isang bomba sa pharmacy ng isang ospital sa Old Fangak, Jonglei state na nagsanhi ng pagsiklab ng sunog.
Kasunod naman nito ang pagpapaputok ng baril sa bayan sa loob ng 30 minuto at ang pagpapasabog ng isang drone sa lokal na pamilihan.
Ang naturang ospital ay nag-iisa lamang sa Fangak county at nakapaloob rito ang higit 110,000 katao. Walang naisalba o natirang medical supplies matapos ang pagpapasabog.
Tinawag naman ito ng MSF bilang malinaw na paglabag sa international humanitarian law.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na pahayag ang gobyerno ng South Sudan hinggil sa insidente.