Dagupan City – Pinatitibay ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na halalan, sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak ang isang eleksyong ligtas, mapayapa, at maayos para sa lahat ng mamamayan.
Sa harap ng inaasahang dami ng botante at ang sigla ng lokal na pulitika, isinusulong ng LGU ang mahigpit na koordinasyon sa Commission on Elections (COMELEC), Bayambang Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang law enforcement agencies.
Layunin nitong mapanatili ang kaayusan mula sa paghahanda, sa mismong araw ng botohan, hanggang sa bilangan ng boto.
Kabilang sa mga kongkretong hakbangin ang pagpapatupad ng heightened security protocols sa mga polling precincts, pagde-deploy ng karagdagang puwersa ng pulisya at barangay tanod, at pagbibigay ng paalala sa publiko kaugnay ng tamang asal sa pagboto, gaya ng pagsunod sa pila, pag-iwas sa gulo, at pagtutol sa anumang uri ng pananakot o pamimilit.