Dagupan City – Magsisilbing kinatawan ng buong Region 1 ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Manaoag sa National at Regional Validation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Matatandaan na nauna nitong nakamit ang unang pwesto sa Gawad Serbisyong Mapagkalinga – Regional Level noong Disyembre 2024.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Janet Armas, hindi lamang naabot ng Manaoag ang mga pamantayan ng ahensya, kundi nilampasan pa nila ang inaasahan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga bata, matatanda, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at iba pang nangangailangan.
Pinatunayan ito ng positibong feedback mula sa mga benepisyaryo, na nagpapatotoo sa mabilis at mahusay na pagtugon ng MSWDO, maging sa mga holidays at weekends.
Malaki rin ang naitulong ng suporta ng kanilang lokal na pamahalaan sa pamumuno ng kanilang alkalde sa mga programa at aktibidad ng nasabing opisina.
Ang Gawad Serbisyong Mapagkalinga ay isang prestihiyosong parangal ng DSWD para sa mga Local Government Units (LGUs), organisasyon, o indibidwal na may natatanging programa para sa mga marginalized sectors. Bahagi ito ng “Pagkilala sa Natatanging Kontribusyon sa Bayan (PaNata) Awards” ng DSWD.
Inaasahang maipapahayag ang resulta ng validation sa mga susunod na araw, at gaganapin ang awarding ceremony sa darating na Hunyo.