DAGUPAN CITY- ‎Maayos at mapayapa ang naging daloy ng pagdiriwang ng Pistay Dayat sa bayan ng San Fabian matapos dumagsa ang libo-libong bisita sa baybayin upang makisaya sa taunang selebrasyon.

Ayon kay Salome Magpanao, Operation and Warning Chief, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) San Fabian, mas maraming tao ang nagtungo sa dagat ngayong taon kumpara sa karaniwang weekend.

Base sa monitoring ng MDRRMO, mula point to point ay tinatayang umabot sa libo-libo ang mga bumisita sa baybaying bahagi ng San Fabian, partikular sa Barangay Bolasi, na siyang sentro ng aktibidad.

Sa kabila ng dagsa ng tao, nanatiling ligtas ang dagat at wala namang naitalang insidente ng pagkalunod sa buong selebrasyon.

Ayon sa MDRRMO, walang senyales ng panganib na naobserbahan sa tubig, tulad ng malalakas na alon o biglaang lalim na maaaring magdulot ng kapahamakan. Patuloy din ang ginawang pagbabantay ng mga tauhan ng MDRRMO katuwang ang iba’t ibang ahensiya gaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga local rescue volunteers upang masigurong ligtas ang lahat ng bisita.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan na maayos na nasunod ang mga umiiral na safety protocols sa lugar. Naging epektibo rin ang inilatag na mga hakbang para sa crowd control at mabilisang responde sakaling magkaroon ng aberya.

Binigyang-diin ng MDRRMO na ang kooperasyon ng publiko ang isa sa mga naging susi sa maayos at ligtas na selebrasyon. Dahil sa pagsunod sa mga patakaran at pakikinig sa mga abiso ng mga awtoridad, naiwasan ang mga insidente ng sakuna at naitaguyod ang kaligtasan ng lahat.

Sa kabuuan, itinuturing na matagumpay ang Pistay Dayat 2025 sa San Fabian, at naging modelo ito ng maayos na crowd management at epektibong disaster preparedness sa panahon ng malalaking pagtitipon.