DAGUPAN CITY- Patuloy na ipinapanawagan ng mga grupo ang paglaban sa kontraktwalisasyon at kakulangan ng serbisyo para sa mga mangagagawa kasabay ng paggunita sa Araw ng mga Manggagawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Emily D. Fajardo, Kalihim ng Alyansa ng Manggagawa sa Bataan – Workers for Peoples Liberation, tila hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan upang tugunan ang mga suliranin ng mga manggagawa sa bansa.

Aniya, taon-taon nilang isinasagawa ang ganitong aktibidad, kasama ang ilang organisasyon at mga manggagawa, upang ipahayag sa gobyerno at sa sambayanang Pilipino ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa.

--Ads--

Kabilang sa kanilang mga hinaing ang hindi sapat na sahod na hindi makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bukod dito, laganap pa rin ang hindi regular at kontraktwal na trabaho, na nagreresulta sa kawalan ng seguridad sa hanapbuhay at benepisyo.

Nakababahala rin aniya ang kawalan ng karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon, at marami ang nananatiling tumatanggap lamang ng minimum o mas mababa pa sa minimum na sahod.

Mensahe naman nito na patuloy na ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa usapin ng sahod, seguridad sa trabaho, at pagkakaroon ng makataong kondisyon sa paggawa.