Nananatiling nasa kritikal na kalagayan ang tatlumpot isang katao matapos araruhin ng isang itim na kotse ang crowd sa Lapu-Lapu festival na idinaos ng Filipino community sa Vancouver, British Columbia, Canada noong araw ng Sabado, Abril 26.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ruth Marie Magalong – Bombo International News Correspondent sa Vancouver, Canada kasalukuyang naka-admit sa siyam na mga hospital ang mga biktima.

Kung saan nauna nang naipaulat na 11 katao ang nasawi dahil sa nangyaring insidente.

--Ads--

Aniya ang trahedyang ito ay hindi inaasahan at hindi makakalimutan ng filipino community ang pangyayaring ito lalo na at nagtungo ang mga ito doon upang sana ay makisaya.

Mabilis naman ang naging pagresponde ng awtoridad sa insidente.

Batay sa ulat ay 5 taong gulang ang pinakabatang biktima habang 65 naman ang pinakamatanda.

Sa ngayon ay hindi pa dinidisclose ang pangalan ng mga biktima subalit dalangin nito na sana ay makaligtas ang 31 iba pang nasa kritikal na kalagayan.