DAGUPAN CITY- Isang mariculture farm ang itatayo sa bayan ng San Fabian, Pangasinan bilang bahagi ng inisyatibo ng lokal na pamahalaan para ayusin ang sektor ng pangingisda at palakasin ang turismo.

Kaugnay nito, pinatawag kamakailan ang mga mangingisda matapos aprubahan ng Sangguniang Bayan ang bagong programa. Sa ilalim ng panukala, lilimitahan sa 250 lamang ang papayagang fisheries sa mariculture area na itutulad sa isang subdivision ng palaisdaan.

Ito ay bilang tugon sa patuloy na paggamit ng fishpen ng ilang residente sa kabila ng pagbabawal dito.

Bukod sa layuning mapaunlad ang kabuhayan, target din ng LGU na gawing tourist destination ang mariculture farm. Bahagi rin ng plano ang pagtatatag ng isang Marine Protected Area para sa pangangalaga ng kalikasan at suporta sa lumalagong turismo ng bayan.