Dagupan City – Isinagawa kamakailan ang isang buwis-buhay na paglilinis sa isang bangin sa Barangay Bantugan sa bayan ng Pozorrubio.

Pinagunahan ito ng mga tauhan ng barangay, mga CVOs (Community Volunteer Officers), BHWs (Barangay Health Workers), miyembro ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), at mga volunteer kung saan kinailangan pa nilang gumamit ng harness upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang inaalis ang mga mabibigat na sako ng basura.

Umabot sa nasa higit 100 sako ng iba’t ibang uri ng basura ang nakolekta mula sa masukal na bahagi ng bangin na ginagawang illegal dumpsite ng ilang residente.

--Ads--

Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi madali ang operasyon dahil sa hirap ng pag-akyat at pagbaba sa bangin. Ngunit dahil sa determinasyon ng lahat ng mga kalahok, matagumpay nilang naisagawa ang paglilinis.

Lahat ng nakolektang basura ay dadaan sa tamang proseso ng segregation.

Ang matagumpay na paglilinis ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan ng Barangay Bantugan.

Ipinapakita rin nito ang pagtutulungan ng mga residente at mga tauhan ng barangay sa pagprotekta sa kapaligiran.

Upang maiwasan na maulit ang pagdami pa ng basura sa lugar, magtatayo ang barangay ng checkpoint sa lugar at mag-i-install ng CCTV camera upang masubaybayan ang mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar dahil ang mga mahuhuling lumalabag sa environmental ordinance ay papatawan ng malaking multa at community service.