Dagupan City – Sa pagpapatuloy ng malawakang kampanya laban sa ilegal na campaign materials, muling ikinasa ng Commission on Elections (COMELEC) ang Operation Baklas ngayong Biyernes, Abril 25, 2025, sa mga barangay ng Anolid, Malabago, Bari, at Embarcadero.
Sa tulong ng Mangaldan PNP, PPCRV, CENPELCO, General Services Office ng lokal na pamahalaan, at mga boluntaryo, masusing tinanggal ang mga campaign poster na nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar tulad ng poste ng kuryente, puno, at mga pribadong ari-arian na walang pahintulot.
Binigyang-diin ni Election Officer IV Gloria Cadiente na ang lahat ng nakumpiskang campaign materials ay itatago bilang bahagi ng dokumentasyon ng COMELEC. Dagdag pa niya, patuloy ang paalala sa mga kandidato at tagasuporta na sumunod sa itinakdang election guidelines upang maiwasan ang anumang parusa o reklamo.