DAGUPAN CITY- Hindi umano napigilan maging emosyonal ng mga dumalo sa funeral mass ni Pope Francis kahapon na ginanap sa St. Peter’s Square sa Vatican City, Rome.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bong Rafanan, Bombo International News Correspondent sa Rome, Italy, tumatak sa homily ni Italian Cardinal Giovanni Battistan, ang dean ng College of Cardinals, ang pag-alala sa mga naging kontribusyon at kabutihan ng namayapang santo papa para sa kristyanismo.

Kabilang sa nabanggit ni Cardinal Battistan ay ang walang humpay na pagpapaalala ni Pope Francis sa mga tao na hindi napapagod magpatawad ang Diyos, kahit ano pa ang pinagdadaanan ng isang tao.

--Ads--

Ani Rafana, humiling din ang Cardinal sa mga dumalo na hilingin din kay Pope Francis na hindi nito makalimutan ipagdasal ang mga ito.

Halos 250,000 katao ang dumalo sa nasabing misa habang halos 150,000 naman ang dumagsa sa kakalsadahan upang abangan ang pagdaan ng labi ni Pope Francis habang patungo ito sa kaniyang huling hantungan, sa Basilica of Saint Mary Major.

Sinabi ni Rafanan na hindi rin nagtagal ang mga tao sa kakalsadahan matapos ang pagdaan ng labi ni Pope Francis.

Agad rin nagkawatakwatak ang mga ito at naghanap ng kanilang makakainan dahil oras ito ng tanghalian.

Ang ilan naman ay naupo nalang sa tabi ng kakalsadahan habang kumakain.