Dagupan City – Sumang-ayon ang grupo ng mga magsasaka sa mga programa ng Department of Agriculture
ngunit kinwestyon ang ginagawang implementasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Oftociano Manalo, National President ng Pambansang Mannalon, Maguuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) sinabi nito na kung titingnan ang mga programa ng pamahalaan sa lokal na magsasaka, masasabing tinututukan din nila ang sektor.

Ngunit sa kabila nito, umalma naman si Manalo sa kung paano ito iimplementa ng mga awtoridad.

--Ads--

Aniya, hindi nakararating ng tama ang mga pondo at mga kagamitan sa lokal na magsasaka. Kung kaya’t nauuwi na lamang sila sa pag-utang para makabili ng kagamitan dahil sa kasalukuyan ay kinakailangan na rin aniyang itaas ang kagamitan sa sakahan.

Hinggil naman sa usapin na ibinaba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gawing P20 ang presyo ng bigas sa bahagi ng Visayas, sinabi nito na sang-ayon siya sa inisyatiba, ngunit malaking katanungan na kung bakit sa nasabing bahagi lamang ito ipapatupad.

Ani Manalo, hindi lamang Visayas ang kumakain ng kanin kundi ang buong bansa.

Inilabas nito ang kaniyang hinaing sa sinabi ni Vice President Sara Duterte hinggil umano sa naging pahayag nito na ang kalidad ng NFA Rice ay katumbas ng kalidad ng pagkain ng hayop.

Ayon kay Manalo, malaking insulto ito sa mga magsasaka, lalo na’t tintiyak umano nila ang kalidad na kanilang ma-iproproduce sa merkado.

Isa naman sa hinala nito kung bakit ganito ang naging pananaw sa NFA Rice ay dahil sa hindi tamang paglabas ng totoong produkto. Dahil kung tutuusin aniya, base sa kaniyang sariling karanasan, maayos naman ang ibinibigay na kalidad para sa NFA na mula mismo sa lokal na magsasaka, ngunit pagdating na sa merkado ay naiiba na ang kalidad nito.