Dagupan City – Nakahanda na ang City Health Office dito sa lungsod ng Dagupan para sa tulong medikal sa mga indbidwal sa isasagawang mga big events para sa nagpapatuloy na Bangus Festival 2025.
Kilala ang Dagupan City bilang “Bangus Capital of the Philippines,” kaya inaasahang dadagsa ang libu-libong bisita dito mula sa ilang lugar sa bansa para saksihan ang mga aktibidad sa taunang kapistahan sa lungsod.
Ilan sa mga kaabang-abang na mga big events sa nasabing kapistahan ay ang Gilon-Gilon o Street Dancing Competition na magaganap bukas April 26 at ang Bangusan Street Party Kalutan Ed Dalan na gaganapin sa New Devenecia Road Ext. sa April 30.
Ayon kay Dr. Ma. Julita De Venecia ang OIC ng City Health Office na nagkaroon na sila ng koordinasyon para tumulong ang Region 1 Medical Center, ilang ospital sa lungsod at iba pang medical organizations
upang matiyak ang kaligtasan at kagalingan ng mga dadalo sa mga aktibidad.
Aniya na inaayos na nila ang mga ilalagay na mga medical teams sa bawat istasyon o stage na maituturing na strategic location sa mga malalaking kaganapan upang tumugon sa mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng pagkahilo at iba pang tulong medikal.
Sa kanilang karanasan sa mga nakaraang taon, mas pinagtibay pa ng CHO ang kanilang mga plano upang maiwasan ang anumang malalang insidente.
Layunin nilang matiyak ang isang ligtas at masayang pagdiriwang para sa lahat ng dadalo sa Bangus Festival 2025.